bakit prima? sapagkat ito ang una kong post dito sa aking "blog" na maituturing.
bakit poste? sapagkat wala akong maisip na salin sa Filipino ng salitang 'post' kung kaya't poste na lamang ang naisipan kong ilagay dito. *hi, maam taruc*
ehem.
minsan na akong nagkaroon ng online journal sa ibang website. totoong naging progresibo ang mga unang sandaling ipinamalagi ko rito ngunit unti-unting nabago ang lahat sa paglipas ng panahon. kung inyong sisipatin ang tabulas.com/~shamrock, ay makikita ninyong noong buwan pa ng Mayo ng taong nagdaan ang petsa kung kailan ko ''nai-poste'' ang huli kong artikulo sa aking blog. isa pa, tunay ngang kakarampot ang mga mababasa ninyon roon.
ngayon, maari ninyong maitanong kung bakit pinabayaan kong mabulok (na halos katulad ng isang palakang binalatan at hindi kaagad nilagyan ng alkohol) na lamang nang ganoon ang aking minsang sinintang blog. mayroon akong ilang rason.
una, hindi ako naka-dsl. ako po ay isang ordinaryong mamamayan ng paranaque na bumibili ng prepaid internet kard na nagkakahalaga ng sandaang piso na dapat kong ipagkasya sa loob ng isang buwan upang makatipid at maipambili ng iba pang bagay ang aking ipong salapi. ang beinte hanggang treinta hora na ihinahandog ng aking kard ay sapat na para sa aking ''cyberneeds'' at minsan ay sumusobra pa nga kung kaya't wala akong maisip na dahilan para magpa-dsl at mabutasan ng bulsa.
pangalawa, maraming iba pang kaakit-akit na tanawin sa internet. habang akoy inip na naghihintay sa pagloload ng aking webpage ay hindi ko maiwasang mabighani sa sayang maibibigay sa akin ng ibatibang website sa paligid. ang resulta nito ay tinatawag kong *sorry for the jargon* acute catamaranis...kung kayat nababalewala ko ang aking dapat na poste at binubura ko ang tabulas.com/~shamrock/createpost at pinapalitan ko ito ng rotten.com, etc..
pangatlo, masakit isiping nakaupo lamang ako sa harap ng aking kompyuter at nagsasayang ng mahalagang oras habang ang aking dadi ay maghapon ding abala sa paggawa at pagkilos sa loob at labas ng aming tahanan.
aww.
ngayon ang tanong ko ay: magagawa ko ulit kayang pabayaan ang blog na itong kalawangin at tuluyang maging isang palamuti sa internet?
sa totoo lamang, maari. ngunit naniniwala akong hindi na tulad ng aking blog noon sapagkat:
una, naka-dsl ang uste.
pangalawa, tila umonti na ang nakahahalinang site sa internet. pulos pornograpiya ang makikita mo.
pangatlo, saglit lang ang panahong ginigugol ko rito. yaon lamang oras pagkatapos ng chem lab, bago mag theo.
WAKAS